Posted on 2004

Sen. Villar's Speech delivered during the Celebration of the 141st Birthday Anniversary of Andres Bonifacio
Monumento Circle, EDSA, Caloocan City

Ang Kagalang-galang na Punong Lungsod ng Caloocan,
Mayor Enrico “Recom” Echiverri,
Mga Magigiting ng mga Kinatawan ng Lungsod ng Caloocan
Sa Mababang Kapulungan ng Pilipinas
Mga Tinitingalang mga Kagawad ng Sangguniang
Panglungsod At mga Pinuno ng mga Kagawaran at
Tanggapan ng Lungsod ng Caloocan,
Mga Mahal kong Kababayan at Kapatid:

Isang napakagandang umaga sa inyong lahat. Pinupuri ko kayo sa pagbibigay ng ala-ala at parangal sa diwa at simulain ng dakilang Pilipino – si Gat. Andres Bonifacio. At taos-puso akong nagpapasalamat kay Mayor Echiverri sa kanyang anyaya na makiisa ako sa pagdiriwang ng kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio. Itinuturing ko na isang tunay na karangalan na maatasan na maging panauhing tagapagsalita.

Sa hanay ng mga bayani ng sambayanang Pilipino, malapit ang damdamin ko kay G. Andres Bonifacio. Tulad po ng ama ng unang pambansang himagsikan laban sa pananakop at pagmamalabis ng bansang dayuhan, ako po ay isinilang sa Tondo. Malapit po ang bahay naming sa Tutuban.

Habang ako ay nag-aaral sa Mababang Paaralan ng Isabelo de los Reyes na malapit sa Tutuban, naging inspirasyon ko na si Gat. Andres Bonifacio. Hanga ako sa kanyang sipag at tiyaga na nagsilbing gabay ko sa buhay. Sa kabila ng kahirapan, hindi nagpabaya ang ating dakilang bayani sa pagpapalawak at paghubog ng kanyang angking talino. Hindi siya nakapag-aral sa Letran tulad ni Mabini o sa Ateneo tulad ni Rizal. Ngunit hindi ito naging sagabal sa pagtuklas niya sa dagdag na kaalaman.

Alam natin na maagang naulila ang mahal nating bayani. Siya ang nagsilbing ama ng kanyang mga nakakabatang kapatid. Upang matulungan sila, gumagawa siya ng mga bastong kawayan at mga pamaypay na papel at kanyang inilalako sa labas ng simbahan sa labas ng Tondo tuwing Linggo.

Maaga pa lang, nagpamalas na siya ng palatandaan ng kadakilaan. Mas higit na mahalaga sa kanya ang kapakanan ng mga kapatid. Ito ay tunay na isang makatao at maka-Diyos na damdamin na naging ugat ng kanyang kabayanihan.

Kung ang nangibabaw sa isip at puso ni Gat. Andres Bonifacio ay ang makasariling pananaw lamang at walang matinding pagnanasa na itaguyod ang kabutihan ng sambayanan, hindi sana naitatag ang katipunan. At kung wala ang Katipunan, hindi sumiklab ang unang malawakang pag-aalsa laban sa mga dayuhan. At kung wala ang unang himagsikan sa buong Asya, hindi tayo nagkaroon ng Unang Republika.

Ang dakilang aral na pamana sa atin ni Gat. Andres Bonifacio ay ang kanyang kabayanihan na binubuo ng kanyang katapangan, katapatan at kadakilaan. Matapang siya sa pagtatag at pagpapalaganap ng Katipunan at sa pagsimula ng pambansang himagsikan. Matapat siya sa sinumpaang pangako na ialay ang lahat ng lakas at talino sa paglaya sa bayan. At dakila siya sa pagsuko ng alin mang sariling pangangailangan sa ikabubuti ng buong sambayanan.

Walang kupas na pagmamahal sa bayan ang tibok sa mga pinag-anib na puso ng hanay ng mga bayaning kinabibilangan ni Gat. Andres Bonifacio.

Sa buhay ng isang bayani, ang bayan ang siyang una nang higit sa lahat. At kapag nagkasama-sama ang mga bayani, nagkakaroon ng isang matatag na bayanihan. Kung may bayanihan, walang pasanin na hindi madadala sa patutunguhan.

Malayo man ang panahon ni Gat. Andres Bonifacio sa atin, ang aral ng kanyang kabayanihan ay buhay pa rin. Ito ang halaga ng pagdiriwang natin sa isang araw ng paggunita. Higit na kailangan ng bayan ang itanim ang binhi ng diwa ng ating mahal na bayani sa puso ng bawat Pilipino, matanda man o bata mayaman o mahirap, tapos man sa pag-aaral o hindi. Ang binhing ito ay magkakaugat at uusbong na isang matibay na puno sa tulong ng bawat isa at sa patnubay ng Poong Maykapal.

Masasabi natin na ang tunay na suliranin ng bansa ay hindi kabuhayan, ang malaking pagkakautang ng pamahalaan at ang krisis sa pananalapi. Totoo na laganap ang katiwalian sa mga ilang sangay ng pamahalaan. Marami sa ating mga kababayan ang nawawalan ng pag-asa. Marami ang umaalis ng Pilipinas at naghahanap ng kapalaran sa mga malalayong bayan ng ibayong dagat habang naiiwan ang mga anak na walang kasamang ama o ina.

Ang puno at dulo ng ating kahirapan at pagkakawatak-watak bilang iisang bansa ay ang paglaganap ng makasariling pag-iisip lamang, ang pagtalikod at paglimot sa diwa ng kabayanihan. Kailangan buhayin nating muli ang simulain ng nasyonalismo na binigyang buhay ni Gat. Andres Bonifacio, Rizal, Mabini, del Pilar, Osmeña, Quezon, Recto, Tañada, at Laurel.

Pilipinas, higit sa lahat. Bayan muna bago ang sarili.

Ito ang habilin ng dakilang Pilipino na isinilang sa Tondo noong ikatatlumpong araw ng Nobyembre sa taong isanlibo walong daan at animnapu at tatlo.

News   |    The Man   |    Speeches   |    Legislative Record   |    Gallery   |    Contact Us
Manny Blog   |    Features   |    Invite Friends   |    Villar Facebook   |    Villar Friendster   |    Villar Multiply   |    Boy Tondo Facebook   |    Boy Tondo Friendster   |    Join Team Villar   |    Akala Mo