Posted on 2004

Sen. Villar's Speech delivered during the Celebration of the 126th Birthday of President Manuel Luis Quezon at the Quezon Memorial Shrine
ANG PAGKAMAKABAYAN NI QUEZON

Sa lahat ng mga naging Pangulo ng Pilipinas, napakataas ang pagpapahalaga ng buong sambayanan kay Manuel Luis Quezon. Isang malaking lalawigan ang ipinangalan sa kanya. Taglay ng pinakamalaking lungsod sa kalakhang Maynila ang kanyang pangalan. At may mga bayan at mga lansangan sa mga ibang bahagi ng kapuluan na pinangalanang Quezon.

Ang mga ito ay nagpapatunay na ang bansa ay hindi nakakalimot sa ala-ala ni Quezon. Ginugunita natin ang kadakilaan ng kanyang simulain. Binibigyang halaga natin ang aral ng kanyang talambuhay.

Kaya naman sa mga sandaling ito ay nais nating sariwain ang diwa ni Quezon – ang buod ng kanyang buhay na isang tunay na buong paglingkod sa bayan at ang dakilang mithiin na maibalik sa sambayanang Pilipino ang kalayaang inagaw ng mga dayuhan.

Higit na mahalaga na bigyang diin at walang sawang pansin ang ugat ng kadakilaan ni Quezon. Ano ang tunay na pamana ni Quezon sa atin? Bakit natin siya pinagkakautangan ng utang na loob? Saan nakasalalay ang pagpaparangal natin kay Quezon?

Batid natin na marami ang nagawa ni Quezon para sa bayan.

Ipinaglaban niya sa Kongreso ng Amerika ang karapatan ng ating bansa na maging malaya. Kaya naman itinuturing natin si Quezon na tunay na ama ng ating kasarinlan.

Itinaguyod niya ang mga adhikain ng katarungang panlipunan. Pinagtibay niya na magkaroon tayo ng isang wikang pambansa upang higit na mapalakas ang bigkis ng pagkakaisa. At nagpamalas siya ng isang uri ng pamumuno na may dangal, may pagtingin sa mga ginintuang halimbawa ng mga naunang bayani, at may malawak na pananaw sa kinabukasan ng bansa.

Sa bawa’t kabanata sa talambuhay ni Quezon, may isang natatanging diwa na siyang nangingibabaw. Ito ang kanyang pagkamakabayan, ang kaisipan at damdamin ng nasyonalismo na naging gabay at nagsilbing buhay ng kanyang sariling partido – ang Partido Nacionalista.

Malaki ang pagkakaiba ng nasyonalismo ni Quezon. Sa liwanag ng kanyang nasyonalismo, nangunguna at nangingibabaw sa kapakanan ng Pilipino, mahirap man o mayaman.

Ang diwa ng Nasyonalismo ni Rizal, ni Bonifacio, ni Marcelo del Pilar, ni Mabini at ni Aguinaldo ay nasa puso ng pagkamakabayan ni Quezon.

Ayon sa nasyonalismo na ipinamalas ni Quezon, ang dapat bigyang halaga palagi ay ang kapanganakan ng buong bansa at hindi ang interes ng mga iilan lamang.

Bahagi pa rin ng pagkamakabayan ni Quezon ang magbigay dangal sa diwa ng isang kabansaan. Ito ang dahilan kung bakit pinangunahan niya ang pagkakaroon natin ng wikang pambansa.

Huwag nating tanggapin nang pikit-mata ang mga maling paratang laban sa nasyonalismo. Unang-una, ang ipaglaban natin ang kapakanan ng bansa sa lahat ng bagay ay hindi labag sa patakaran ng globalisasyon. Bawat bansa sa mundo ay itinataguyod ang sariling interes. At kung hindi natin uunahin ang kinabukasan ng bayan, sino ang tutulong sa atin? Walang magmamalasakit sa Pilipinas nang higit pa sa mga Pilipino.

Ikalawa, ang isulong natin ang pagtuturo ng English ay hindi pagwawalang halaga sa wikang Pilipino. English ang pandaigdigang wika sa negosyo, sa agham at sa information technology. Bilang bahagi ng iisang mundo, dapat lang na maging bihasa tayo sa paggamit ng English.

Ikatlo, ang masilaw sa husay ng mga gawa ng mga dayuhan ay maging bulag sa ating mga katha at sariling kaisipan. Kailangang gawin nating matibay ang tiwala sa sariling kakayahan. Magaling ang Pinoy.

Ika-apat, walang maunlad na bansa na hindi nagtiwala sa sariling kakayahan. Walang bayan saan man na hindi umasa sa sipag at tiyaga ng kanyang mga mamamayan upang labanan ang kahirapan.

Tunay na angkop sa ating panahon ang pagkamakabayan ni Quezon. Ito ang kahulugan ng pagdiriwang natin ng kanyang kaarawan.

Ipagpatuloy natin ang “Magandang Laban” na kanyang sinimulan. Muli nating ihasik ang binhi ng nasyonalismo sa puso ng bawat Pilipino.

News   |    The Man   |    Speeches   |    Legislative Record   |    Gallery   |    Contact Us
Manny Blog   |    Features   |    Invite Friends   |    Villar Facebook   |    Villar Friendster   |    Villar Multiply   |    Boy Tondo Facebook   |    Boy Tondo Friendster   |    Join Team Villar   |    Akala Mo